Ang Tanong kay Justice Sereno

Ni Rei Lemuel Crizaldo (Aired August 27, 2012)

Si Associate Justice Ma. Lourdes Sereno ang pinakabatang judge na naging miyembro ng Supreme Court noong 2010. At ngayong 2012, siya ang kauna-unahang babae sa ating kasaysayan na hinirang upang maging Chief Justice ng bansa.

Bukod sa pagiging history-maker, si Justice Sereno ay valedictorian ng UP College of Law, at isa sa napili upang tumanggap ng TOWNS award o The Outstanding Women in the Nation’s Service. Kilala din siya sa pagiging independent-minded at matapang na dissenter sa maraming kontrobersyal na kasong dinesisyunan ng Supreme Court.

Subalit may ilan ang pumupuna sa naging desisyon ni PNoy na hirangin siya bilang bagong Chief Justice ng Korte Suprema. Pangunahin sa isyu ay ang kabataan ni Sereno over against sa hindi pa napapatid na kultura ng seniority sa Supreme Court. Isang implikasyon daw kasi nito ay ang tinatayang magiging napakahaba na panunungkukan ni Sereno bilang Chief Justice -18 taon bago ang nakatakdang retirement age.

justice sereno

Subalit sa laki ng reporma na kinakailangan upang muling pasiglahin ang sistema ng hudikatura sa bansa, mas angkop sa pagkakataong ito na maglagay ng mas bata at tipong buo pa ang apoy ng idealismo at paniniwalang posible pa ang pagbabago. Hindi madalian ang pagkakaroon ng mga malawakang pagbabago sa ating pamahalaan. Sa ginagawang pagsugpo ni PNoy sa culture of corruption sa loob ng gobyerno, at sa pagsusulong niya ng “tuwid na daan” sa pamamahala, nangangalahati na siya sa kanyang termino, pero tila nag-uumpisa pa lang ang paglalatag ng pundasyon ng good governance.

Sadyang hindi sapat ang maikling panahon upang baguhin ang culture of corruption at culture of impunity sa bansa. Maraming taon din kasi itong namayagpag at bumaon na ng husto sa mga institusyon ng ating lipunan. Pero ngayon, sa pagkakahirang sa isang mas batang Chief Justice, tila binigyan ng langit ang Korte Suprema ng sapat na pagkakataon upang magkaroon ng sustained at comprehensive na mga repormang magdudulot ng mas mabilis at mas malinis na pagpapatupad ng hustisya sa bansa.

Subalit bukod sa isyu ng kanyang kabataan at mahabang termino, may isa pang isyu na kinakaharap ang bago nating Chief Justice. May mga pumupuna kasi sa pagiging seryoso at committed ni CJ Sereno sa kanyang pananampalataya. Sa psychological test na isinagawa ng Judicial Bar Council (o JBC) at inilabas ng pahayagang Manila Times, di umano si Sereno bagamat “agreeable” ay may “religious preoccupation in almost all significant aspects of her life.”

Para sa iba, hindi ito magandang senyales at makakasama sa pagtupad niya ng kanyang tungkulin bilang isang public servant. May mga naniniwala kasi na ang relihiyon, tulad ng sabi ng philosopher na si William James, ay isang bagay na dapat manatili “to the confines of one’s privacy.” Marapat daw iwanan sa pintuan ng opisina ng pamahalaan ang relihiyon at pananampalataya ng isang opisyal ng gobyerno upang hindi ito makasagabal sa kanyang gawain.

Subalit tila makipot at medyo negatibo ang pagtanaw na ito sa papel ng pananampalataya at relihiyon sa buhay isang tao. Higit sa mga ritual at spiritual disciplines na ginagawa sa mga bahay-sambahan, ang pananampalataya ng isang tao ay supposed to be paraan din ng pamumuhay. “Way of life” ika nga ng mga kababayan nating Muslim. Kaya medyo mahirap isipin kung ang pananampalataya ay parang isang t-shirt na basta-basta na lamang pwedeng hubarin at isuot.

Siguro, ang tanong na mas marapat i-harap kay Justice Sereno ay kung magiging tapat ba siya sa adhikain ng kanyang pananampalataya. Susundin ba niya ang sinasabi ng Bibliya sa Mikas 6:6-8 na siguruhing may patas na “katarungan, kapayapaan at kabutihan para sa lahat?” Mananatili ba siyang may takot sa Diyos at hindi hahayaang mapulitika ang Supreme Court? Bantayan natin ang pangako niya sa harap ng Judicial Bar Council,

“Kailangang mamuhay ako na nakikita ng mga tao na hindi ako magiging corrupt.”

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Rei Lemuel Crizaldo. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.